Sobrang mapanlait ang dalawa kong kakilala.
Kasi naman, “Boy Ipis” ang tawag nila sa isa nilang kaibigan. Kaibigang lihim nilang kinamumuhian.
Nabisto ko ang kanilang panlalait nang isang umaga habang nasa isang karinderya ako, may narinig akong hagikgikan sa kabilang mesa.
Tiningnan ko ang pinanggagalingan ng ingay. Dalawang lalaking imbes na lantakan ang kanilang order, isang tablet ang kanilang pinagkakaabalahan.
“Tangnang, Boy Ipis ‘to,” hagalpak ng isa. “Talagang feeling gwapo!”
“Oo nga, paksyet,” sagot naman ng isa. “Porma nang porma, e mukhang insekto naman!”
Muli silang nagtawanan. Pinagtitinginan na sila ng iba pang customer pero parang wala silang pakialam. Enjoy na enjoy sila sa kanilang ginagawa.
Palihim akong pumunta sa kanilang likuran at tinanaw kung sino ang tinatawag nilang “Boy Ipis”. Tumambad sa aking paningin ang kinukutya nilang larawan sa Facebook. Isa rin nilang malapit na kaibigan.
“Akala ko ba running partner n’yo yan?” Pabulong kong sinambit.
Napaigtad silang lumingon sa akin. “Kaw pala, parekoy!”
“Oo, kanina pa kayo nambubulahaw dito a,” napangiti ako. “Ba’t n’yo ba siya tinatawag na Boy Ipis?”
“Parekoy, obvious naman a,” agad na sumagot ang isa. “The evidence is overwhelming!”
Muli silang bumanat ng malutong na hagikgikan. ‘Yung isa, akala mo mai-stroke na.
Tiningnan kong maigi ang mukha ng tinatawag nilang “Boy Ipis.”
Totoo nga! Sa kanyang kulay. Sa kanyang kaliitan. At lalo na sa korte’t ayos ng kanyang mukha. Hawig na hawig nga sa ipis!
Pabulong akong humingi ng tawad sa Diyos. Nahawa na ako sa ginagawang panlalait ng dalawa kong kausap.
“Nakakahiya sa ibang kumakain, ipis kayo nang ipis diyan! Anyayabang n’yo, porke’t ampopogi n’yo,” pabiro kong sinabi sa dalawa.
Pailing-iling na tumingin sa akin ang dalawa.
“Mali yata ang basa mo, parekoy,” turan ng isa. “Hindi naman ang kanyang mukha ang dahilan kung bakit namin siya tinatawag na ipis. Didiretsuhin ko na, ang kanyang ugali ang dahilan!”
Hindi ko masyadong ka-close ang tinatawag nilang “Boy Ipis” kaya’t inurirat ko ang kanilang punto.
“Ganito ‘yun,” buntong-hininga ng isa. “Super-gwapo naman s’ya sa amin noon e. Mabait, humble at tapat na kaibigan. Subali’t nang mag-umpisa na s’yang manalo sa mga fun run at marathon, biglang nagbago ang ihip ng hangin.”
“Oo nga,” patuloy naman ng kanyang kasama. “Bigla sumambulat ang kanyang kayabangan. Pa-epal lagi. Gusto niya s’ya lang ang bida. At kung hindi s’ya ang bida, gumagawa s’ya ng mga tsismis upang masira ang iba. Siya nga ang dahilan kung bakit may mga away sa running group namin kung minsan.”
“Di ba ganyan ang mga ipis?” Humirit ang isa. “Mayabang kapag sumusulpot. Nang-iinis. Nagpapa-epal. Higit sa lahat, naghahasik ng lagim at sakit. Istorbo na nga, nagbibigay pa ng katakut-takot na perwisyo. Ganyan si Boy Ipis. Mala-insekto ang pag-uugali!”
Mababanaag sa mukha ng dalawa ang kanilang hinanakit. Wala namang halong inggit. Masama lang talaga ang kanilang loob dahil nagbago na ang kanilang kaibigan. Masaklap na pagbabago. Karimarimarim na bagong anyo.
“May katwiran kayo kung ganyan na nga ang kanyang ugali,” tinuran ko. “Ang ugali ng isang tao ang nagpapapangit o nagpapaganda sa kanyang hitsura, hindi ang korte’t ayos ng kanyang mukha.”
Ngumisi ang dalawa sabay thumbs up.
Isa sa kanila ang tumapik sa aking balikat. “Yan ang gusto namin sa’yo, parekoy. Madali kang maka-gets!”
“O sige,” sagot ko. “Tapos na akong magmeryenda kanina, alis na ako. Kitakits na lang. Sali kayo sa fun run ng barangay namin ha?”
“Oo naman, parekoy,” muli silang nag-thumbs up. “Kitakits, kahit dumating si ipis!”
Umugong na naman ang kanilang tawanan.
Habang palayo ako sa mesa nila, nasalubong ko ang manager ng karinderya na kakilala rin namin. Nagngingitngit, nanlilisik ang mga mata at halos magkorteng tambutso na ang ilong.
Ilang sandali pa, tahimik na ang kainan.
- Jorge Guerrero
No comments:
Post a Comment